-- Advertisements --

Mas lumakas umano ang anggulong suicide bombing ang nangyaring pagsabog sa Jolo Cathedral twin blast noong nakalipas na buwan.

Inilabas na kasi ng PNP Crime Laboratory ang resulta sa isinagawang DNA testing sa mga narekober na parte ng katawan at dalawang pares ng paa ng babae at lalaki na hindi naman nagtugma sa mga labi ng 23 nasawi.

Batay sa DNA result, ang apat na leg bone specimen ay pagmamay-ari ng dalawang unidentified persons na lalaki at babae.

Kinumpirma ni PNP Chief Oscar Albayalde ang nasabing ulat ng Crime Lab.

Nagtugma rin ang paa ng babae sa piraso ng batok ng tao na narekober sa crime scene.

Pinaghahanap na rin sa ngayon ng PNP ang umano’y 10-year old na batang babae na anak ng mag-asawang suicide bombers na hinihinalang Indonesian.

Ayon kay Albayalde, sa pamamagitan ng DNA test, maaaring makatulong ang bata para matukoy ang identity ng mag-asawang suicide bombers.

Kinumpirma din Albayalde na dalawang linggo na ang nakakaraan nandito sa bansa ang kanilang Indonesian counterpart para magsagawa din ng imbestigasyon.

Sinabi ni Albayalde, ang mga Indonesian police na nagtungo sa bansa ay siya ring mga imbestigador na nagsiyasat sa nangyaring pagsabog sa Bali, Indonesia noong 2002.