Nanumbalik na umano sa normal ang sitwasyon sa bayan ng Jolo, Sulu ilang araw matapos ang kambal na suicide bombings sa lugar na ikinamatay ng 15 katao.
Pero ayon kay Jolo Mayor Kerkhar Tan, naghahanda raw sila sa isa pang posibleng pag-atake ng mga terorista sa kanilang siyudad.
Ibinunyag ni Tan na ito ay batay sa natanggap nilang intelligence information mula sa militar.
Kasabay nito, hinimok ni Tan ang mga residente ng Jolo na maging mapagmatyag lalo na sa mga kahina-hinalang tao at aktibidad sa kanilang lungsod.
Samantala, naniniwala naman ang alkalde na hindi umano sagot ang pagpapatupad ng martial law upang mapigil ang mga banta.
Sinabi ni Tan, noong nasa ilalim ng batas militar ang buong Mindanao noong nakalipas na taon ay nangyari pa rin ang kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel cathedral na ikinasawi ng nasa 20 katao.
Una rito, sinabi ni Western Mindanao Command chief, Major Gen. Corleto Vinluan na kanila nang tinutugis ang apat na babaeng Indonesian na posibleng magsagawa raw ng bomb attacks sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.
Isiniwalat ni Vinluan na ito raw ay mga anak ng mga suicide bomber na nasa likod ng pagpapasabog noong nakalipas na taon.