Hindi aarestuhin ng Philippine National Police (PNP) si Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Maria Sison sa sandaling umuwi na ito sa bansa.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde na ang dahilan bakit pinapauwi sa bansa si Sison ay dahil sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sinabi ni Albayalde kung kinakailangan ni Sison ng seguridad, nakahanda ang PNP na magbigay ng protective security kung sa tingin nito ay mataas ang banta sa kaniyang buhay.
Bagama’t may mga kasong kinakaharap si Sison, hindi siya maaaring arestuhin ng mga otoridad dahil sa safe conduct pass na ibibigay sa kaniya.
Nakatakdang umuwi sa buwan ng Agosto sa bansa si Sison para makilahok sa peace talks.
Sa kabilang dako, naging mainit din ang isyu dahil sa pagkansela ng Pangulong Rodrigo Duterte sa usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.
Inakusahan ng grupo ang AFP na “peace spoiler” dahil sa umano’y rekomendasyon nito na kanselahin ang pulong.
Pero ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, kailangan muna rebyuhin ang mga probisyon sa ilalim ng pinirmahang “Stand-down Agreement” ng mga peace panel bago pa man ito ipatupad.