Nahihibang na naman umano si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay matapos sabihin ni Sison na hahantong sa kudeta ng militar kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabasura nito sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, inihahalintulad ni Sison ang AFP sa terrorist army nitong NPA na sumusuway sa kaniyang mga utos at binabalewala ang kaniyang mga ipinaglalaban.
Dahil dito, umapela si Arevalo na huwag nang patulan at pansinin ang ganitong uri ng pahayag ni Sison dahil nabibigyan lamang ito ng hindi karapat dapat na atensyon.
Una rito sinabi ni Sison, dismayado umano ang malaking puwersa ng militar matapos ipadala ni Duterte ang notice of termination ng VFA sa embahada ng Estados Unidos kung saan posibleng planuhin na ng malaking puwersa ng AFP officers at enlisted men ang coup d’ etat upang ibagsak daw ang administrasyon.
Ang nasabing pahayag ay mariin namang itinanggi ng AFP.
Samantala, wala namang namo-monitor ang PNP na may nilulutong destabilization plot laban sa Duterte government.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, mananatiling mapagmatyag ang PNP para mapanatili ang peace and order sa bansa.
“As of this time, no destabilization threats or movements received or monitored. But PNP remains alert and vigilant to maintain peace and order at all times, prevent occurrence of crimes, ready to respond to any call for assistance amid measures being implemented by government to prevent the spread of COVID-19,” mensahe ni Banac.