Niyanig ng 2 magkasunod na lindol ang Jomalig, Quezon nitong umaga ng Miyerkules, Setyembre 4, 2024.
Paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) tinatawag ang 2 events na ito na “doublet.”
Nangyayari aniya ito kapag ang 2 lindol na halos may parehong size o lakas ay nangyari sa iisang lugar.
Base sa monitoring ng ahensiya, parehong tectonic ang pinagmulan ng 2 tumamang lindol sa naturang bayan.
Bandang alas-7:16 ng umaga, inisyal na napaulat na niyanig ang Jomalig, Quezon ng magnitude 5.6 na may lalim na 1 kilometro subalit ibinaba ito kalaunan sa M5.3.
Muling itong niyanig dakong ala-7:55 ng umaga na bahagyang mas mahina na Magnitude 5.0 subalit ibinaba kalaunan sa magnitude 4.9.
Samantala, naramdaman din ang pagyanig sa Metro Manila kung saan naitala ang Intensity III sa Quezon city.
Kinansela naman na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa mga bayan ng Burdeos, Jomalig, at Patnanungan island dahil sa mga pagyanig.
Wala namang napaulat sa ngayon na pinsala o nasugatan sa naturang mga pagyanig.