-- Advertisements --

Iginiit ni Jomari Yllana na ibinibigay nito ang lahat ng suportang kailangan ng dalawang anak nito sa nakahiwalayang live-in partner.

Ayon sa 47-year-old actor at Parañaque first district councilor, ito’y kahit pa may pagdududa ito sa kanyang dating partner na si Joy Reyes lalo’t umabot sa mahigit P100,000 ang pinapabayarang electric bill na ang due date ay noon pang Disyembre.

Bukod pa rito ang natuklasan aniya na ibinibenta online ang binibili nitong gatas para mga anak na edad dalawa at isang taong gulang pa lamang.

“Ako na nagbabayad ng bahay, yung food nila, yung vitamins ng babies, clothes. Kumbaga, food, shelter, and clothing. ‘Tapos malaman-laman namin, yung gatas ng anak ko, ibinibenta online?” buwelta nito sa pamamagitan ng pep.

Ito na raw ang una at huling beses na magsasalita si Jomari hinggil sa isyu.

Noong nakaraang linggo nang magpasaring ang dating partner ni Jomari tungkol sa pagpapabaya daw ng isang ama sa kanyang mga anak.

“Since he blocked all means of communication, to those who know this guy, Kindly inform this ‘Honorable’ COUNCILOR of District 1 PARANAQUE JOMARI YLLANA that his children are sweating in the dark & this is making it worse for Fangio who’s been having fever for a few days now,” bahagi ng patutsada nito kalakip ang larawan ng Meralco bill at ng mga anak habang dumidede sa madilim na paligid.

Sa ngayon ay “back with each others arms” na uli si Jomari at dating sexy actress na si Priscilla Almeda na kapwa nagsabing “first love” nila ang isa’t isa.

Kabilang pa sa mga naging babae sa buhay ni Jomari ay ang sexy star na si Ara Mina, at Aiko Melendez na kanyang ex-wife kung saan din siya mayroong anak.