Muling nag-init ang kamay ni Terrence Jones na tumabo ng 40 points at 10 rebounds upang akayin ang TNT tungo sa 114-88 dominasyon sa Phoenix Pulse sa larong hitik sa emosyon sa PBA Commissioner’s Cup sa Ynares Center.
Ito na ang ikatlong beses na umiskor ng 40 o higit pang puntos si Jones, para itala rin ng TNT ang kanilang 3-1 kartada.
Hindi rin nagpaawat si RR Pogoy na nagpasabog ng walong triples para sa kanyang career-high na 31 points.
Napuno naman ng drama ang laro matapos na ma-eject sa laro sina Phoenix Pulse coach Louie Alas, TNT consultant Mark Dickel, at apat na players na pinangunahan ni Calvin Abueva dahil sa magkakaibang rason.
Na-eject si Alas dahil sa naging partisipasyon nito sa nangyaring away kung saan natanggal din ang kambal na sina David at Anthony Semerad, at Jason Perkins.
Habang na-eject naman si Abueva matapos na patawan ito ng flagrant foul penalty two matapos nitong i-clothesline si Jones sa final canto.
Tanggal din si Dickel dahil sa dalawang technical fouls na nakuha nito matapos makipagtalo sa mga referees sa first quarter.
Sumandal naman ang Phoenix kina Matthew Wright na may 21 points, at kay Rob Dozier na umiskor ng 16 points, 12 rebounds, at tatlong blocks.
Narito ang mga iskor:
TNT 114 – Jones 40, Pogoy 31, Castro 11, Trollano 10, Rosario 9, Reyes 6, Taha 4, Heruela 3, D. Semerad 0, A. Semerad 0, Golla 0, Miranda 0, Casino 0.
Phoenix Pulse 88 – Wright 21, Abueva 16, Dozier 16, Chua 11, Mallari 7, Jazul 6, Revilla 5, Napoles 4, Marcelo 2, Perkins 0, Kramer 0, Wilson 0, Dennison 0.
Quarters: 28-20; 52-52; 82-70; 114-88.