Muling nagpasiklab ang bagong saltang import na si Terrence Jones upang bitbitin ang TNT KaTropa tungo sa 99-85 panalo kontra sa Alaska Aces sa nagpapatuloy na 2019 PBA Commissioner’s Cup na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum.
Nahigitan pa ni Jones ang kanyang 41-point, 14-rebound performance noong kanyang unang laro sa PBA kung saan nagpakawala ito ng malahalimaw na 43 points, 22 rebounds, at limang assists, bukod pa sa tatlong steals at dalawang blocks.
Gayunman, nasipa sa laro ang dating Houston Rockets cager nang patawan ito ng technical foul at flagrant foul sa nalalabing 2:11 ng laro.
Sa kabila nito, hindi nakaapekto sa TNT ang pagkaka-eject ni Jones dahil abante na nang husto ang kanilang koponan.
“Our short-term goal is to win as much as possible especially in the early part of the conference,†wika ni TNT coach Bong Ravena.
Umasiste rin sina Jayson Castro na may 14 points, at si Anthony Semerad na naglista ng 11 markers para sa KaTropa, na umabpt pa hanggang sa 19 puntos ang lamang sa laban.
Dahil dito, itinala ng TNT ang kanilang back-to-back na panalo sa kanilang ikalawang laro sa torneyo.
Samantala, tumipon ng 23 points at 19 rebounds si Chris Daniels, at si JVee Casio na umiskor ng 22 markers para sa Alaska, na laglag na ngayon sa 1-2 kartada.
Narito ang mga iskor:
TNT 99 – Jones 43, Castro 14, A. Semerad 11, Pogoy 9, Rosario 8, Heruela 7, Trollano 4, Taha 2, Williams 1, D. Semerad 0, Casino 0.
Alaska 85 – Daniels 23, Casio 22, Banchero 12, Racal 8, Pascual 7, Teng 5, Enciso 4, Thoss 2, Cruz 2, Baclao 0, Exciminiano 0, Galliguez 0, Ayaay 0.
Quarters: 24-23; 50-48; 73-63; 99-85.