Nanguna ang Filipino-American player na si Jordan Clarkson na may 23 points at si Rudy Gobert na nagtala ng 16 points at 13 rebounds upang itumba ng Utah Jazz ang San Antonio Spurs, 110-104.
Ito na ang ikaapat na sunod na panalo ng Utah para sa kabuuang 24 wins ngayong NBA season.
Sumandal ang Jazz sa opensa ni Jordan upang punan ang pagkawala ng kanilang top scorer na si Donovan Mitchell dahil sa injury.
Ilang beses na umatake at sumalaksak ang dating Gilas Pilipinas player upang pahiyain ang depensa ng Spurs.
Liban sa 23 puntos ng reigning “Sixth man of the Year” ng NBA, nagtala rin ito ng dalawang 3-points, walong rebounds at limang assists sa kanyang all-around game sa 32 minutos na pagkababad sa playing court.
Bahagya namang nabulabog ang game nang isang fan ang ilang beses na nang-asar sa Pinoy player.
Akma sanang kokomprontahin ito ni Clarkson pero sa huli napigilan ito at iniskortan na lamang ng mga security ang magulong fan.
“After saying a bunch of stuff,” ani Clarkson na nagmula rin sa San Antonio. “The guy just keeps antagonizing me like almost challenges me like.”
Samantala, sinelyuhan naman ni Jordan ang panalo ng koponan sa kanyang huling dalawang free throw.
Ang Spurs ay natikman naman ang ika-19 na talo (14-19).