Magarbo at engrandeng ipinagdiwang ng NBA ang ika-75 taon o diamond anniversary kasabay ng All-Star Game na ginanap nitong araw ng Lunes sa estado ng Cleveland.
Naging highlight sa selebrasyon ang pagbibigay parangal sa 75th Anniversary team kung saan 45 miyembro nito ay personal na dumalo, kabilang na ang pakikibahagi ng maraming superstars ngayon sa NBA at mga legends na sorpresang dinaluhan nina Michael Jordan, Magic Johnson at Kareem Abdul-Jabbar.
Ang mga ito ay nagsama-sama sa gitna ng court na nilagyan ng espesyal na stage pagsapit ng half time game ng All-Star Game.
Lahat ng mga awardees ay nakasuot ng blue blazers na merong 75th logo ng NBA.
Pinakamalakas pa ring palakpakan nang ipakilala ang lahat ng miyembro ng anniversary team ay si Jordan.
Ilan pa sa mga agaw pansin ay ang presensiya ng tinaguriang si “Dr. J” o Juluis Erving, Dennis Rodman, Shaquille O’Neal, Allen Iverson at iba pa.
Binigyang pugay din ang pumanaw na NBA great na si Kobe Bryant.
Ang ibang hindi naman na nakadulo ay nagpadala ng kanilang video.
Anim naman na kabilang sa kasalukuyang All-Stars ang napabilang sa 75th team tulad nina LeBron James at Stephen Curry.
Samantala, nagpakita nang big show sina Curry at James upang pangunahan ang panalo ng Team LeBron laban sa Team Durant sa taunang All-Star Game na ginanap sa jampacked na Rocket Mortgage FieldHouse sa Cleveland, Ohio.
Nagtala ng kasaysayan si Curry nang magpakawala ng 16 na 3-pointers sa walang humpay na puntos na umabot sa 50 points upang tanghalin siyang MVP at tinanggap ang Kobe Bryant Trophy.
Kung maalala ang Warriors star ay nauna na ring kinilala bilang career leader sa 3-pointers sa NBA.
Habang si James naman ang nagpanalo sa koponan nang maipasok ang winning shot sa pamamagitan ng turnaround jumper para magtapos ang score sa 163-160.
Sa kabuuan may 24 points si James na nataon din na pagbabalik niya sa kanyang lugar sa Cleveland na binigyan niya ng korona noong taong 2016.
Sa ngayon limang beses nang sunod-sunod na nanalo ang Team LeBron mula ng baguhin ang All-Star format.
Nag-ambag din naman ng 30 points sa team si Giannis Antetokounmpo ng Bucks.
Ang dalawang pambato ng Cavaliers na kasama ni James sa All-Stars ay ay hindi rin nagpahuli nang umiskor si Darius Garland ng 13 at si Jarrett Allen ay sinupalpal naman ang isang tira ni Joel Embiid nang magtabla ng dalawang koponan sa 155.
Sa Team Durant nagpakitang gilas ang big man ng Sixers na si Embiid na nagbuhos ng 36 points.
Nasayang din naman ang diskarte nina Devin Booker na may 20 points, LaMelo Ball na may 18 at Dejounte Murray na nagtapos ng 17 para sa Team Durant.
Samantala, agad namang nag-trending sa buong mundo ang pagtatapos ng games na ayon sa maraming mga fans ay kabilang ito sa best All-Star Game sa kasaysayan ng NBA.