Ipinagdiwang pa rin ni Joross Gamboa at misis ang bagong taon, bagama’t hindi kasama ang dalawang anak sa unang pagkakataon.
Una nang inamin ng 37-year-old actor na na-expose sila ng kanyang misis sa kaanak na mayroong Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) kaya agad nag-quarantine sa kanilang bahay sa Paranaque.
Nag-birthday kasi kamakailan ang kapatid ni Joross kaya nagkaroon ng salu-salo sa ngayo’y kontrobersyal na Brgy. Poblacion sa Makati City at kinalaunan ay nag-test positive sa COVID-19 ang kanyang kapatid.
Habang naghihintay sa loob ng limang araw bago sumailalim sa RT-PCR test, nasa pangangalaga muna ng mga lolo at lola sa Quezon ang kanilang mga anak.
“Mas pinili kasi namin maging responsible at pinagpalit ang panandaliang kaligayahan para sa kapakanan ng ibang tao. Wala naman kami covid19 pero naninigurado kami. Wag natin kalimutan may covid19 parin! Kamag anak namin sa US, Italy pati dito pinas may mga covid19 na ultimo kapatid ko at friends niya na nakuha nila sa poblacion. Anyways bukod sa pag iingat at pagmamalasakit sa ibang tao wala na tayong ibang magagawa kung di kumapit kay Lord. Let’s all Focus on Jesus Christ so we can have peace! Godbless everyone! #happynewyear2022,” caption ni Gamboa sa larawan nila ng misis.
Nobyembre noong nakaraang taon lang nang sumailalim si Joross sa operasyon sa kanyang achilles injury.