Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga residente na maging proactive sa pagprotekta ng kanilang kalusugan kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod, na tumaas ng 200% mula noong Enero.
Binigyang-diin ni Belmonte ang kahalagahan ng pagtutulungan ng buong komunidad sa paglaban sa dengue, at sinabi niyang mahalaga ang partisipasyon ng lahat.
Bilang tugon, nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng mga hakbang upang labanan ang outbreak. Kasama na rito ang pagpapadali ng access sa mga serbisyong pangkalusugan sa lahat ng 66 QC Health Centers, na mag-ooperate hanggang weekends para makapag-accommodate ng mga posibleng dengue patients.
Naglagay din ng fever express lanes sa mga health facilities para tiyakin ang mabilis na aksyon para sa mga may mga sintomas ng dengue.
Nag-deploy naman ng Barangay Spraying Teams para magsagawa ng fogging at spraying operations sa mga lugar kung saan nagkaroon ng maraming kaso ng dengue. Nagbigay din ang lokal na pamahalaan ng libreng dengue test kits upang mapadali ang maagang pagsusuri at interbensyon.
Ngunit sinabi ni Belmonte na hindi kayang solusyunan ng mga awtoridad ang outbreak mag-isa. Ayon sa Mayor na dapat aniyang lahat ay makibahagi sa pagpapanatili ng malinis at ligtas na kapaligiran.
Upang mapalaganap ang kaalaman ukol sa dengue prevention, nagsasagawa naman ang lokal na pamahalaan ng mga educational campaigns sa lahat ng 142 barangay. Kasama rito ang mga dengue awareness assemblies, pre-clinic lectures, at pakikipagtulungan sa mga paaralan upang itaguyod ang kahalagahan ng kalinisan at mga hakbang na pangkalusugan para maiwasan ang dengue.
Hinimok din ng Mayor ang mga opisyal ng barangay na makipag-ugnayan sa kanila at hinikayat ang mga magulang na maging maingat sa kalusugan pati sa mga sintomas ng kanilang mga anak.
Hanggang kalagitnaan ng Pebrero kasi, nakapagtala na ang Quezon City ng 1,769 kaso ng dengue, at higit sa kalahati ng mga naapektuhan ay mga batang mag-aaral.
Habang 10 na ang napaulat na mga nasawi dahil sa Dengue, kabilang ang walong menor-de-edad.