Handa umano si Mexican great Juan Manuel Marquez na harapin sa isang exhibition fight ang kapwa nito boxing superstar na si Erik Morales.
Ayon kay Marquez, maganda raw ang nasabing posibilidad lalo pa’t hindi pa sila kailanman nagtuos ni Morales noong aktibo pa sila sa boxing.
Kung magkataon aniya ay kukunin niya raw muli ang serbisyo ng kanyang dating coach at Hall of Famer na si Nacho Beristain.
“I would take [Morales] as an exhibition fight. You have to take the positive and the negative of doing that. I would like it. If I trained for this I would do it at one hundred percent. If you could do it, why not?” wika ni Marquez.
Nangyari ang huling pro fight ni Marquez noong 2014 kung saan nagwagi ito laban kay Mike Alvarado via decision.
Sa ilang mga interviews, inihayag ni Marquez na hindi raw talaga gusto siyang makatunggali ni Morales.
Buwelta naman ni Morales, si Marquez daw ang nagsayang ng oportunidad dahil sa pagtanggi nito sa mga proposal, at sa halip ay iba ang kinalaban nito noong 2011 at 2012.