LEGAZPI CITY – Suportado ng dating hukom na si Harriet Demetriou ang isinusulong na imbestigasyon sa Kamara ng basehan para sabihing puwedeng maisama si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa “good conduct time allowance.”
Si Demetriou ang Pasig judge na nagpataw kay Sanchez ng life sentence noong 1995 dahil sa paggahasa at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez na pawang University of the Philippines Los BaƱos students.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Demetriou, kapuri-puri umano ang hakbang ng mga mambabatas para sa imbestigasyon laban sa mga humahamak sa batas.
Ayon kay Demetriou, hindi dapat na palagpasin ang mga ito dahil hustisya at katotohanan umano ang ipinaglalaban sa isyu habang tahasang sinabi na kailanma’y hindi magiging qualified sa GCTA si Sanchez.
Nais rin ng dating hukom na makaharap sina Senator Bato dela Rosa, Presidential spokesman Salvador Panelo at Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon sakaling ipatawag sa Kamara o Senado.
Irrelevant aniya ang mga binitiwang salita ni Sen. Bato sa umano’y ‘second chance’, kinuwestiyon ang interpretasyon sa batas ni Faeldon at hinamon si Panelo na magbitiw sa pwesto kung totoong walang interes sa kaso ng dating kliyenteng si Sanchez.