-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Tagudin municipal police station sa Ilocos Sur sa mga kasapi ng San Fernando City police station sa lalawigan ng La Union para sa agarang pagresolba sa pagpaslang kay Judge Mario Anacleto Bañez ng Regional Trial Court, Branch 25, Tagudin, Ilocos Sur.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Captain Omar David, hepe ng Tagudin PNP, sinabi nito na mayroon silang tinitingnang kasong hinahawakan ni Bañez na may kaugnayan sa iligal na droga na maaaring isa sa mga anggulo nang nangyaring pananambang.

Bagama’t hindi pinangalanan ni David, sinabi nito na malaking personalidad ang nasa likuran ng nasabing kaso dahil ang sangkot sa kaso na iligal na droga ay may bigat na isang kilo.

Idinagdag pa nito na sa kanilang pagtatanong sa mga kasamahan nito sa trabaho, wala umanong nababanggit ang biktima na banta sa kaniyang buhay kaya labis ang kanilang pagkagulat nang mabalitaan na na-ambush-patay habang pauwi sa kanilang bahay.