(Update) BAGUIO CITY – Nagpaliwanag sa Bombo Radyo ang isang judge na naakusahang nakialam sa insidenteng nangyari sa pagitan ng isang pulis at isang taxi driver sa Abanao Street, Baguio City.
Una rito, naaresto ang taxi driver na si Jone Buclay dahil sa paglabag nito sa batas trapiko at pagbunggo at pagkaladkad ng kanyang sasakyan sa traffic enforcer na si Patrolman Julius Walang.
Pagkatapos ng insidente ay nagtungo si Judge Roberto Mabalot, may-ari ng taxi, sa istasyon ng pulisya at dito nito agarang inilabas ang taxi driver at umano’y nakialam ito sa kaso.
Sa pinakahuling pahayag ng judge, iginiit niyang hindi raw siya nakialam sa kaso.
Nagpaliwanag ito na nagtungo lamang siya sa himpilan ng Baguio City Police Office para malaman niya kung mai-impound ang ‘J Mabalot Taxi’ na taxi unit at kung makukulong ang driver na kamag-anak nito na si Buclay.
Sinabi niya na nang magtungo ito sa police station ay hindi ito nagpakilala bilang isang judge at binati pa niya ang mga police na naroon.
Ayon kay Judge Mabalot, pinayuhan niya lamang ang taxi driver na huwag magbigay ng anumang pahayag sa mga pulis pero hindi umano ito nakialam sa kaso.