Inutusan ng korte ang Australian gov’t na ibalik na ang kinanselang visa ng world’s number 1 na si Novak Djokovic.
Inatasan din ni circuit court judge Anthony Kelly ang gov’t na payagan nang makalabas sa isang hotel sa Melbourne si Djokovic upang maghanda sa kanyang pagdepensa sa korona kaugnay sa nalalapit na Australian Open.
Ayon pa sa judge, dapat din umanong bayaran si Djokovic ng damages at ibalik ang kinumpiskang passport at kagamitan.
Ang naturang desisyon ng korte ay inalmahan ng ilang mga lider sa Australia at nagdulot pa ng mga protesta.
Kung maalala umabot na sa korte ang iskandalo kay Novak dahil sa hindi ito bakunado at noong Disyembre ay kagagaling lamang nito na dumanas ng COVID-19.
Gayunman, giit ng isang gov’t lawyer ang kanilang Immigration chief daw ay may hurisdiksiyon pa rin at huling desisyon para kanselahin ang visa ni Djokovic.
Kapag nangyari ay posible pa ring ma-deport si Novak at tuluyang hindi makalaro simula sa Jan. 17.
Samantala, habang isinasagawa naman ang virtual hearing, sinasabing na-hack ang court link sa online at biglang lumabas ang malaswa o pornographic broadcast na siyang ikinagulat ng maraming sumusubaybay.