Kasalukuyan na umanong nagpapagaling sa pagamutan ang isang hukom sa Thailand na nagbaril sa sarili sa loob mismo ng korte.
Una rito, binaril ni Kanakorn Pianchana, isang judge sa Yala court sa katimugang bahagi ng Thailand, ang kanyang sarili sa dibdib makaraang ipawalang-sala ang ilang mga murder suspects at magtalumpati tungkol sa sistema ng hudikatura sa kanilang bansa.
Ayon sa spokesman ng Office of the Judiciary na si Suriyan Hongvilai, ginagamot na raw si Pianchana ng mga doktor at malayo na raw ngayon sa kapahamakan.
Sinabi pa ni Hongvilai, binaril ni Pianchana ang kanyang sarili dahil umano sa “personal stress.”
Gayunman, hindi pa raw malinaw sa kasalukuyan ang rason sa stress at kanila umano itong iimbestigahan.
Ngunit batay naman sa isang pahayag na pinaniniwalaang sinulat ng hukom bago ibaba ang kanyang hatol, nakasaad dito na ang tangka nitong pagkitil sa sarili nitong buhay ay posibleng dahil sa umano’y pangingialam sa kaso.
Sa kanyang talumpati, nanawagan si Pianchana ng isang mas malinis na sistema ng hudikatura sa kanilang bansa.
“You need clear and credible evidence to punish someone. So if you’re not sure, don’t punish them,” wika ni Pianchana.
“I’m not saying that the 5 defendants didn’t commit the crimes, they might have done so…”
“But the judicial process needs to be transparent and credible… punishing wrong people makes them scapegoats.” (AFP)