Lantaran nang isinabay sa ginanap na flag raising ceremony ng Supreme Court (SC) employees at justices nitong araw ang direktang panawagan kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mag-resign na sa puwesto.
Kapansin-pansin na mas marami ngayon ang mga empleyado ang nagsuot ng pulang t-shirts.
Umaabot din sa siyam na mga associate justices ang namataan na nakibahagi sa aktibidad sa SC grounds sa Padre Faura St., Maynila. Ang mga ito ay kinabibilangan ng SC acting chief Justice Antonio T. Carpio, Associate Justice Teresita J. Leonardo-De Castro, Justice Diosdado M. Peralta, Justice Lucas P. Bersamin, Justice Presbitero J. Velasco, Jr., Justice Francis H. Jardeleza, Justice Samuel R. Martires, Justice Noel G. Tijam at Justice Mariano C. Del Castillo.
Kasabay nang nasabing programa binasa naman ng SC Employees Association (SCEA) president na Erwin Jocson ang kanilang manifesto na nananawagan kay Sereno na mag-resign na sa pwesto.
Aniya, dapat magsakripisyo umano ang punong mahistrado alang-alang sa ikatatahimik ng hudikatura lalo na ang Supreme Court.
Ayon pa sa manifesto, nabahiran na umano ng masamang imahe ang institusyon dahil sa impeachment proceedings.
Habang binabasa ni Jocson ang nasabing kasulatan, nandoon din sa okasyon si Philippine Judges Association president Judge Felix Reyes upang suportahan ang panawagang magbitiw sa puwesto si Sereno.
Sinasabing liban sa mga kawani ng Supreme Court, nakikiisa rin daw sa resign call laban kay Sereno ang mga miyembro ng Philippine Judges’ Association, Philippine Assembly of Lawyer Employees, Philippine Association of Court Employees, at Sandiganbayan Employees’ Association.
Narito ang kasulatan na binasa sa flag raising ceremony sa SC:
“Kami ang buong puwersa ng Hudikatura, na kinabibilangan ng mga huwes, opisyal at mga kawani sa ilalim ng inyong pamamahala, ay nakikiusap sa Inyo, mahal naming Punong Mahistrado, Maria Lourdes P.A. Sereno upang gawin na ang napapanahon at nararapat na sakripisyo para sa ating Hudikatura, ang Institusyon na inyong pinaglalaanan ng panahon at pagmamahal ng mga nakalipas na taon. Kami po ay nananawagan, para na rin po sa kapakanan ng buong Sambayanang Pilipino, na kayo ay bumaba na sa puwesto bilang Punong Mahistrado o Chief Justice.”
“The pending impeachment proceedings in recent months have put the entire judiciary in disrepute, thereby affecting the honor and integrity of its justices, judges, officials have pitted against each other resulting in a distressing atmosphere. This is aggravated by the fact that the Court en banc has taken cognizance of the petition for quo warrants and ordered her to file her comment thereto, instead of dismissing it outright. The Court can no longer endure a prolonged environment of this kind. Its officials and personnel, truly dedicated and conscientious public servants, cannot go through another set of hearings and go against each other again in the Senate.”
“Chief Justice, let us please not allow history to judge you as the first woman Chief Justice, and the youngest at that, to be removed from office.”
“Dahil po dito, masakit at mabigat sa aming kalooban, kami po na iyong nasasakupan ay mayroong nag-iisang panawagan. Panawagan na alam namin na hindi lamang para sa inyong kabutihan, kung hindi sa kabutihan ng ating pinakamamahal na Institusyon, ang Hudikatura. Kaya po boung kababaan ng loob ay sama-sama kaming nanawagan sa inyo mahal naming Punong Mahistrado, na kaagad ninyong lisanin ang inyong puwesto, magparaya sa susunod na mamumuno at bigyan ang kabuuan ng Hudikatura ng pagkakataon na patuloy na sumulong at maibalik ang katahimikan at kaayusan dito. Ito na lamang ang aming nakikitang solusyon, ang gawin ninyo ang pinakamataas na sakripisyo na may dangal at buong paghanga buhat sa amin, at ito ay ang kaagad ninyong pagbibitiw bilang aming Punong Mahistrado. Chief it is time to let go. Please let the judiciary move on. Mabuhay ang Hudikatura! Sulong Korte Suprema.”
Kaugnay nito, labis namang ikinalungkot ng kampo ni Sereno ang naturang panawagan.
Sinabi ngayon ni Atty. Josalee Deinla, dismayado sila dahil sa idinadaan sa naturang paraan ang pagpapabitiw sa punong mahistrado at hindi umano sa tamang proseso.
Habang nasa ikalawang Lunes na ngayon ang pagkilos ng mga empleyado ng SC, naka-indefinite leave naman si Sereno pero inaasahang sasagot ito sa mga panawagan na siya ay mag-resign sa kanyang nakatakdang speaking engagement sa Quezon City.