-- Advertisements --

Ibinunyag ng kaanak ni Victor Wood na naihatid na sa kanyang huling hantungan ang tinaguriang Jukebox King, isang araw matapos itong sumakabilang-buhay nitong Abril 23.

Ayon sa pamagkin ni Victor na si Michael Testado, hindi pina-cremate ang labi kahit kpmplikasyon sa Coronavirus Disease (COVID) ang ikinamatay ng 75-year-old singer/actor.

Sinasabing ito ay dahil bawal ang cremation sa simbahan na kinaaaniban ng “Mr. Lonely” hitmaker.

Dahil dito kaya pamilya lang ng ngayo’y biyuda ng kanyang tiyuhin ang naglamay bago ang libing nitong Sabado sa isang memorial park sa Montalban, Rizal, kung saan sila naki-convoy na may social distancing.

“Hindi puwedeng i-cremate kapag member ng Iglesia Ni Cristo kaya dapat within 24 hours ay mailibing siya (Tito Victor). Kaya sobrang lungkot ng pamilya namin dahil hindi na namin siya nabigyan ng last respect and honor because of the situation,” wika ni Testado sa pep.

Si Michael ay anak ng nakatatandang kapatid na babae ni Victor na naglingkod bilang assistant nito mula 1999 hanggang 2002.