Lalo pang lumakas si Bagyong ‘Julian’ na nasa kategoryang severe tropical storm, ayon sa state weather bureau na PAGASA.
Huling namataan si Julian sa layong 305 km. silangan ng Aparri, Cagayan na may lakas na hangin na 95 kph at pagbugsong aabot sa 115 kph, ayon sa tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas alas-5 ng umaga.
Kumikilos si ‘Julian’ pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kph.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa hilagang-silangan na bahagi ng Mainland Cagayan (Santa Ana) at silangang bahagi ng Babuyan Islands (Camiguin at Babuyan Islands).
Samantala, ang Batanes, ang natitirang bahagi ng Cagayan, ang natitirang bahagi ng Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, ang silangan at gitnang bahagi ng Mountain Province (Natonin, Paracelis, Sadanga, Barlig, at Bontoc), ang silangang bahagi ng Ifugao ( Aguinaldo, Alfonso Lista, at Mayoyao), Ilocos Norte, ang hilagang bahagi ng Ilocos Sur (Sinait, Cabugao, San Juan, Magsingal, Santo Domingo, Bantay, San Ildefonso, at San Vicente), at ang hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran) ay inilagay sa ilalim ng TCWS No. 1.
Babala naman ng state weather bureau ang pinakamataas na tropical cyclone wind signal dahil kay ‘Julian’ ay maaaring umabot sa Signal No. 4.
Si Julian ay patuloy na lalakas at aabot sa kategorya ng bagyo Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw.
Dagdag ng PAGASA na mayroong ‘mataas na tsansa ng rapid intensification, at hindi isinasantabi ang posibilidad na umabot sa kategoryang super typhoon’ si bagyong ‘Julian’.