-- Advertisements --

Lumutang na rin sa Department of Justice (DOJ) preliminary investigation ang kontrobersiyal na si Julian Ongpin, ang huling kasama ng visual artist na si Bree Johnson na natagpuang wala ng buhay noong September 18 sa La Union.

julian Ongpin Bree jonson 1
Julian Ongpin

Kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na humarap nga sa preliminary investigation nitong araw ng Biyernes si Ongpin dahil sa kasong may kaugnayan sa illegal drugs.

Ayon sa prosecutor general, kabilang sa humarap din ay ang mga arresting officers at Scene of the Crime Operatives team, si Ongpin at ang kanyang mga abogado.

Hiniling daw ng mga abogado ni Ongpin na mapag-aralan pa ang counter-affidavit ng complainants.

Ang DOJ-National Prosecution Service ang kasalukuyang may hawak sa preliminary investigation makaraan ang regional prosecution ay hiniling ang transfer ng kaso upang matiyak daw ang pantay na paghawak sa kaso.

Si Ongpin, na anak ng bilyonaryo at tycoon na si Roberto Ongpin, ay nahaharap sa kasong possession of illegal drugs.

Kung maalala kabilang daw sa narekober ng mga imbestigador sa kuwarto na inupahan sa San Juan, La Union kung saan namatay si Jonson ay may nakita doon ang nasa 12 grams ng cocaine.

Ang PNP at NBI ay nagsagawa na rin ng hiwalay na otopsiya sa labi ni Jonson.

Una na ring pinayagang na pansamantalang makalaya ng inquest prosecutor ang nakababatang Ongpin makaraang matukoy sa proseso na dadaan pa siya sa preliminary investigation.

Sa naging unang hearing ay naghain na ng kanyang counter-affidavit si Ongpin.

Samantala ang susunod na proceedings sa naturang kaso ay itinakda sa October 9 para sa submission ng dagdag na counter-affidavit at clarificatory hearing.