Dumating na sa Estados Unidos si Sen. Manny Pacquiao upang doon ipagpatuloy ang pagsasanay para sa laban nito kay Keith Thurman.
Sabado ng gabi sa Los Angeles (LA) o kaninang umaga sa Pilipinas, nang makarating si Pacman kasama ang kanyang buong training team sa pangunguna ng kanyang trainer na si Buboy Fernandez.
“Mas maganda kasi na mas maaga pa lang dumating dito, para ma-acclimatize,” paliwanag ni Fernandez hinggil sa kanilang maagang pagbiyahe kahit sa susunod na buwan pa ang showdown ng dalawang boksingero.
Sa ngayon aniya ay naniniwala siya na 80% ready na ang 40-year-old Pinoy ring icon para labanan ang 30-year-old American boxer.
Una nang naiulat na makakasama ng buong tropa ang American guru na si Freddie Roach na nag-aabang na sa Wild Card Gym.
Doon ay sasalang pa sa mas matinding pagsasanay ang fighting senator kung saan inaasahang dadagdagan pa ang kanyang road work at foot work program.
Gaganapin ang harapan nina Pacquiao at Thurman sa darating na Hulyo 21 (Manila time) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.