VIGAN CITY – Nangangamba ang isa sa mga malalapit na kaibigan ni Sen. Manny Pacquiao na maapektuhan ang pagsasanay nito para sa papalapit na laban nila ni Keith Thurman dahil sa isyu ng House Speakership sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni dating Ilocos Sur governor at ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na si Pacquiao ang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na campaign manager ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan noong midterm elections ngunit naapektuhan ito sa nasabing isyu.
Kaugnay nito, muling pinayuhan ni Singson si Pacman na tutukan na lamang muna ang training upang manalo ito at makapagbigay ng panibagong karangalan sa bansa.
Aniya, ipaubaya na lamang muna sana ng 40-year-old fighting senator ang isyu sa kaniyang mga kapartido nang sa gayon ay hindi magulo ang kaniyang isipan habang nasa Amerika.
Nakatakdang lumipad patungong Amerika si Chavit upang suportahan ang kaibigang Pinoy ring icon at layuning kausapin ito na magretiro na sa boxing pagkatapos ng laban nito sa 30-year-old American boxing champion.