Nasungkit ni San Miguel Beermen center June Mar Fajardo ang kanyang panibagong PBA Most Valuable Player award sa ikaanim na sunod na season.
Tinanggap ni Fajardo ang parangal nitong araw ng Linggo sa Smart Araneta Coliseum, sa ginanap na Leo Awards upang pormal na isara ang ika-44 season ng liga.
Naging emosyonal ang 6-foot-10 giant sa kanyang talumpati, kung saan pinasalamatan nito ang kanyang mga magulang na kanya raw pangunahing motibasyon.
“Sila lang naman ang aking motivation kaya ako nagsusumikap,” wika ni Fajardo, “Gusto ko silang bigyan ng magandang buhay, na di na nila iniisip ang pambayad sa kuryente at ibang gastusin.”
Si Fajardo ang kauna-unahan at nag-iisang manlalaro sa liga na nakatipon na ng anim na MVP awards.
Naglista ito ng average na 18.7 points at 13 rebounds per game para sa San Miguel.
Ngunit nagtamo ng fracture sa kanyang kanang tibia ang Cebuano gentle giant noong offseason, kaya pansamantala itong hindi nakakasama sa koponan.
Nakatunggali ni “The Kraken” sa award sina Jayson Castro ng TNT, Christian Standhardinger ng NorthPort, at ang Rookie of the Year na si CJ Perez ng Columbian.
Samantala, itinanghal namang Most Improved Player si Mo Tautuaa ng San Miguel; habang inangkin ni Gabe Norwood ng Rain or Shine ang Sportsmanship Award.