Ibinunyag ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao ang anim na players na sigurado nang pasok sa final roster ng national team para sa papalapit na 2019 FIBA World Cup.
Ayon kay Guiao, kabilang sa mga tiyak na ang slots sa Pinoy squad sina June Mar Fajardo, RR Pogoy at Troy Rosario.
Paglalahad ng beteranong coach, ito ang dahilan kaya hinintay nila ang tatlo na kagagaling lamang sa kanilang kampanya sa PBA Commissioner’s Cup.
Kaya naman, sinabi ni Guiao na kanilang sasagarin ang tatlo at umaasa ang coach na makakapag-adjust agad sila sa sistema ng team.
Maliban sa mga nabanggit, sigurado na rin sina team captain Gabe Norwood, Japeth Aguilar, at naturalized player Andray Blatche.
Una nang sinabi ni Guiao na pagkatapos ng kanilang dalawang tune-up games kontra sa Australian team na Adelaide 36ers ay kanila nang isasapubliko ang buong roster ng Gilas.
Ani Guiao, sa kasalukuyan ay pinag-iisipan nila kung sino ang mga manlalarong pupuno sa huling dalawang puwesto ng national squad.