-- Advertisements --

Sinampahan na ng kaso ang mga kadeteng nambugbog sa anim na mga bagong graduates ng PNP Academy (PNPA).

Kasong physical injuries ang isinampa ng Silang PNP laban sa mga suspek na pinirmahan ni Prosecutor Reiner Luna ng Cavite provincial prosecution office nitong araw ng Linggo, Marso 25.

Kinumpirma naman ni PNPA Director C/Supt. Joseph Adnol na desididong magdemanda ang dalawa sa anim na mga biktima.

Kinilala naman ng Silang Municipal Police Station ang anim na mga biktima na sina: P/Insp. YLam Lambenecio; P/Insp. Arjay Divino; P/Insp. Mark Kevin Villares; P/Insp. Floyd Traqueña; P/Insp. Jan Paul Magmoyao Dalapus, at J/Insp. Arjay Cuasay na pawang mga graduates ng PNPA Maragtas Class of 2018.

Habang ang mga kadeteng nambugbog ng opisyal ay nakilalang sina: 2CL Donald Ramirez Kissing; 2CL Delos Santos; 2CL Jem Camcam Peralta; 2CL Clint John Baguidodol; 2CL Paul Christopher De Guzman Macalalad; 2CL Loreto Aquino Tuliao Jr; 2CL Calamba; 2CL Coplat at ; 2CL Amanon.

Sina P/Insp. Lambecino at Divino ang desididong magsampa ng kaso laban sa mga kadete habang ang iba naman ay nagsumite ng affidavit kung saan sinabi nila na hindi sila interesadong magsampa ng kaso laban sa mga suspek na kadete.

Kasalukuyang “confined to barracks” ang mga kadeteng nambugbog ng opisyal.

Una nang sinabi ni Adnol na 15 ang nahaharap sa kasong administratibo habang siyam ang nahaharap sa kasong kriminal.

Nasa 41 cadets of interest ang iniimbestigahan ngayon kasunod ng insidente.

Ayon naman kay PNP chief Ronald Dela Rosa, hindi naman nila pipigilan ang mga mga bagong opisyal na magsampa ng kaso dahil prerogative ito ng mga biktima.

Aminado naman si Dela Rosa na kung makalulusot ang mga kadete na nambugbog ng opisyal, tatanggapin pa rin daw niya ito sa PNP.