(Update) Mismong si Miss Universe 2021 Harnaaz Sandhu ng India ang nag-anunsyo na siya ay dumating na sa Pilipinas.
Pasado alas-6:00 ngayong gabi, nag-post ang Indian beauty queen sa tinatawag na IG Story ng larawan na kuha mula sa bintana ng eroplano at tanaw ang karagatan ng Pilipinas. Kasunod nito ang larawan naman ng kanyang sash at sapatos na tila nasa hotel room na with matching caption na Manila, Philippines at heart emoji.
Sa mga larawan naman ng pageant site na Missosology, bakas ang mainit na pagsalubong sa beauty queen na personal pang sinundo ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson at anak nitong si Architect Richelle Singson-Michael, sa India.
Kasama ng mag-amang Singson ang mga tauhan ng Miss Universe Organization lulan ng kanyang 12-seater private plane na Air Beauty One.
Ang pagdating ng Miss Universe 2021 ay isang linggo bago ang coronation night ng Miss Universe Philippines (MUP) 2022 sa April 30 sa MOA Arena kung saan siya ay special guest.
Kamakailan lang nang nag-countdown si Sandhu sa pagdalaw niya sa ating bansa sa pamamagitan ng kanyang Instagram post na may caption na “Countdown begins, Philippines see you soon. Humanda ka Pilipinas.”
Una nang naiulat na makakasama ng 2015 Pinay Miss Universe na si Pia Wurtzbach bilang host sa MUP 2022 coronation sina Miss Universe 2016 Iris Mittenaere ng France at 2017 Miss Universe Demi-Leigh Tebow ng South Africa.
Kung maaalala, unang beses ipagtapat ni Harnaaz Sandhu na ang dahilan ng kanyang weight gain ay dahil sa tinatawag na Celiac disease, isang immune disorder na epekto ng mga pagkaing may mataas na gluten.
Kung maaalala, ka-batch ng Miss India sa 70th coronation ang pambato ng Pilipinas na si Gazini Ganados na nagtapos sa Final 5.