-- Advertisements --

Epektibo ngayong araw ng Martes, Mayo 3, ipinatitigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong.

Sa kanyang taped address, sinang-ayunan umano ni Duterte ang rekomendasyon ni Interior Secretary Eduardo Año dahil labag sa ating values ang e-sabong.

Gayunman, nakatakda pang isapubliko ang mga pinal na detalye kaugnay sa pagpapatigil sa e-sabong.

Nitong araw ng Linggo nang ihayag ng pangulo na pag-aaralan niya ang magiging desisyon sa e-sabong matapos ang isinagawang inspeksyon sa OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga.

Kasunod na rin ito ng review sa isinagawang survey ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng naturang industriya sa mga local units kung saan tinipon ang mga feedback sa mga siyudad at mga probinsiya kaugnay ng operasyon ng online sabong.