Hinikayat ng isa sa mga personalidad na itinuturing na “defender” ng West Philippine Sea ang mga Pinoy na biktima ng pagbangga ng Chinese vessel sa sasakyang pandagat ng mga Pinoy na humingi ng kompensasyon sa Chinese government.
Naniniwala kasi si Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na sinadya ng Chinese maritime militia vessel na banggain ang Filipino fishing vessel na F/B Gimver 1 sa bahagi ng Recto Bank.
Dahil dito, kailangan daw panagutin ang kapitan at crew ng Chinese vessel at magbayad sa danyos matapos lumubog ang sasakyang pandagat ng mga Pinoy fishermen.
Ipinanukala rin nito sa mga Pinoy na igiit sa China na magkaroon ng kondisyon na kapag naulit ang insidente ay mangangahulugan ito ng pagkalas ng Pilipinas sa diplomatic ties sa China.
Maliban dito, sinabi ng pa-retirong mahistrado ng Korte Suprema na dapat ay magkaroon ng paninindigan ang mga Pinoy laban sa agresibong aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Hunyo 9 nang banggain ng Chinese vessel ang bangka ng mga Pinoy na nangingisda sa lugar.
Matapos ang insidente, iniwan ng mga Chinese ang 22 Pinoy na palutang-lutang sa karagatan at sinagip ng mga mangingisda mula sa bansang Vietnam.