Inanunsyo ng pamunuan ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang pansamantalang pagsasara nito dahil biglaang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 dito.
Paliwanag nila, ang bilang kasi ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na kasalukuyang naka-admit dito ay higit pa sa bilang ng hospital beds ng pagamutan.
Dahilan kung bakit kinakailangan munang magsara nito upang mapauwi o di kaya’y mailipat sa quarantine facilities ang mga pasyenteng naka-admit dito sa tulong ng Manila Health Department.
Bukod dito ay marami na rin anila sa mga kawani ng JJASGH ang nahawaan na rin ng nakamamatay na virus.
Pinapayuhan naman ng ospital na maaaring magtungo sa iba pang mga pampublikong mga pagamutan sa lungsod ng Maynila ang mga pasyenteng nangangailangan ng kaukulang atensyong medikal sa panahon ng pagsasara ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH).
Samantala, Enero 1, 2022, araw ng Sabado, ganap na ika-8 ng gabi nang magsimulang isara sa publiko ang nasabing pagamutan.
Pinaaantabayanan naman ang mga susunod pang anunsyo nito kung kailan ang muling pagbubukas ng Justice Jose Abad Santos General Hospital.