-- Advertisements --

Ipinahayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hinawakan ng kanyang dating law firm ang tax case ng pamilya Marcos noong 1990s.

Sinabi ito ni Guevarra sa isang statement ngunit hindi nito binanggit kung nakatanggap sila ng notice of assessment mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa kinakailangang mabayarang estate tax ng mga Marcos.

Ito ay dahil sa lawyer-client privilege na nagbabawal sa mga abogado na magsiwalat ng mga kumpidensyal na impormasyon ng kanilang kliyente, at wala rin aniya silang personal na kaalaman sa kung ano na ang nangyari sa kasong ito.

Dagdag pa ni Guevarra, bukod dito ay wala na rin aniya sa kanilang dating law firm ang mga records ng naturang kaso dahil isinauli raw nila ito kay Liza Araneta-Marcos, na ngayo’y asawa na ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring nag-refer ng kasong ito sa kanila noong nagtatrabaho pa ito sa kanilang law firm bilang associate.

Samantala, una nang ipinahayag ni Senate President Vicente Sotto III na nakatakda nang simulan ng Senado ang imbestigasyon sa Php203 billion na estate tax liabilities ng pamilya Marcos ngayong linggo.