Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi makaka-apekto sa Pilipinas ang magiging desisyon ng International Criminal Court sa apela ng gobyerno laban sa pagpapatuloy ng imbestigasyon na may kaugnayan sa War on Drugs ng nagdaang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kalihim, maaari silang maglabas ng desisyon sa the Hague kung saan naroroon ang International Criminal Court , ngunit siniguro nito na hindi maaapektuhan ang bansa ano man ang kalabasan nito.
Dagdag pa ni Remulla na hindi maaaring ipilit ng International Criminal Court ang gusto nila sa anumang bansa na hindi kasapi o miyembro ng naturang international body.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod ng nakatakdang paglalabas ng desisyon ng International Criminal Court Appeals Chamber sa inihaing apela ng gobyerno ng Pilipinas sa susunod na linggo.
Sa tatlong pahinang scheduling order na pinirmahan ni Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut, sinabi ng appeal chamber na ang kanilang desisyon ay ilalabas sa Martes July 18, 2023.
Naniniwala naman si Remulla na hindi papasok ng Pilipinas ang mga kinatawan ng International Criminal Court para gawin ang anumang gustohin nito
Kung maaalala, tinanggal ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinas sa the Hague-based tribunal noong 2019 ng simulan ng naturang international body ang imbestigasyon sa war on drugs ni Duterte.
Nag-ugat ang imbestigasyon dahil sa umano’y mga nalabag na karapatang pantao ng kontrobersyal na war on drugs.
Dahil dito ay libo-libo rin ang naiulat na napatay ng mga kapulisan sa mga operasyon nito batay sa data ng pamahalaan.
Narito ang bahagi ng naging pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.