Inatasan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” C. Remulla ang mga prosecutor na humahawak sa kaso ng kamakailang insidente ng road rage sa Makati kung saan binaril-patay ang isang driver matapos ang alitan sa trapiko na usigin ang gunman hanggang sa makakaya ng batas.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos na makitaan ng Makati City Prosecutor’s Office ng probable cause para kasuhan ang pangunahing Gerrard Raymund Yu para sa pagpatay at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa mga ulat, tumakas si Yu sa pinangyarihan ng krimen matapos barilin ang biktima na kinilalang si Ancieto M. Mateo.
Naaresto sa isang hot pursuit operation si Yu at positibong kinilala ng mga saksi.
Isinuko naman ng asawa ng suspect sa mga awtoridad ang dalawang baril at apat na magazine na may mga bala na tumugma sa cartridge specimen na nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen.
Si Mark Anthony L. Mateo, ang anak ng biktima, ang kakatawan sa kanyang ama sa buong panahon ng kaso.
Samantala, hindi nagrekomenda ng piyansa ang mga tagausig para sa gunman na si Yu.