Pinangalanan ng Palasyo Malacañang si Justice USec. Jesse Hermogenes Andres bilang bagong chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ito ay ilang linggo matapos na suspendihin si dating ERC chair Monalisa Dimalanta na kasalukuyang humaharap sa mga kasong grave misconduct sa Office of the Ombudsman.
Ang pagtatalaga kay Andres ay agad na magiging epektibo hanggang sa maitalaga na ang kaniyang kapalit o hanggang sa iutos ng Ombudsman base sa memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon kay Exec. Sec Bersamin, itinalaga si Andres bilang OIC at chief executive officer ng ERC para matiyak na maipagpatuloy at epektibong maihatid ang mga serbisyo para sa publiko.
Una rito, sunuspendi ng Ombudsman si Dimanlanta matapos na maghain ng reklamo ang National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (Nasecore) na nag-akusa sa kaniya ng grave misconduct, grave abuse of authority at iba pa dahil sa pagpapahintulot sa Meralco na direktang bumili ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market at ipinasa ang charges sa mga kustomer nang hindi humihingi ng approval mula sa ERC board.