Bagaman malaking hamon ang pagkakabulsa ng isang panalo sa nalalapit na FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Latvia, hindi nawawalan ng pag-asa ang Gilas Pilipinas para manalo at makapasok sa Paris Olympics.
Ayon kay Gilas naturalized player Justin Brownlee, magiging mahirap sa buong koponan dahil makakalaban nila ang mga ‘best team’ mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Gayunpaman, kung nais aniya na maging Olympian, kailangang labanan ang pinakamagagaling na team sa buong mundo.
Magtutungo aniya ang Gilas sa Latvia na ang pangunahing inaasam ay manalo, sa kabila ng mas mataas na ranggo ng mga bansang makakalaban dito.
Sa Olympic Qualifying Tournament sa Latvia, kailangang makapasok ang Pilipinas sa top 2 ng Group A laban sa world No. 6 Latvia at No. 23 Georgia. Matapos nito ay kailangan din nilang maipanalo ang crossover semis laban sa mga team sa Group B na binubuo ng Brazil, Cameroon at Montenegro.
Matapos nito ay kailangan nilang maipanalo ang isang final game para tuluyang makapasok sa Paris Olympics.
Kung magagawa ito ng Gilas, ito pa lamang ang unang pagpasok ng Philippine Basketball sa Olympics mula noong 1972.
Sa kasalukuyan ay pang-37 ang Gilas sa world ranking ng basketball.