Isusulong ng isang mambabatas ang pag-review ng K-3 o ang Kindergarten to Grade 3 curriculum kapag simulan na ng incoming Marcos administration ang pag-review ng K-12 program.
Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, nais niyang sumentro ang K-3 curriculum sa literacy at numeracy para malinang ang kaalaman ng mga mag-aaral sa bansa sa asignaturang Mathematics at Reading.
Ayon kay Gatchalian na mananatili bilang chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa 19th Congress, karamihan sa mga estudyante ay nahihirapan sa naturang area at maaaring magkaroon ng negatibo at long-term consequences sa kanilang kinabukasan at sa bansa sa kabuuan.
Kung kayat para maresolba ang krisis sa edukasyon, kailangan aniya na matiyak na matatag ang kanilang pundasyon sa pag-aaral lalo na pagdating sa reading at numeracy dahil kailangan nila itong makabisado upang matuto sa ibang asignatura na kailangan nilang matutunan.
Nauna ng inihain ng Senador ang Senate Bill No. 2355 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act subalit nabigong mipasa bilang batas sa 18th Congress.
Batay sa Trends sa International Mathematics and Science Study (TIMSS) 2019, sinabi ng Senador na tanging 19% lamang ng mga grade 4 students sa Pilipinas ang nakaabot ng minimum benchmark level na required para sa asignaturang Math.
Base sa pre-pandemic data, pagtaya ng World Bank na ang learning poverty sa bansa para sa 2021 ay nasa 90.5%.