-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagbiyaan pa umano ng Philippine Army ng huling pagkakataon na piliin ni Mindanao based-New People’s Army top leader Myrna Sularte alyas Maria Malaya na mapayapang sumuko at talikuran ang armadong kilusan bago ang walang humpay na pagtugis laban sa kanya sa Caraga Region nitong taon.

Ito ang paglalahad ni Eastern Mindanao Command commander Lt Gen. Luis Rex Bergante ng Armed Forces of the Philippines sa katanungan kung hindi pa sinubukan na makumbense ng gobyerno na i-ahon sa Communist Party of the Philippines ideology si Malaya para mabigyang pagkakataon na manatiling buhay sa kabila ng ilang dekada na pakikipaglaban sa puwersa ng estado.

Sinabi ni Bergante na mismo siya ang nagpaabot ng mensahe kay Malaya upang sumuko subalit tinanggihan ang pagkakataon.

Katunayan, pinapasuko ni Malaya ang dalawa sa kanyang mga katiwalang kasamahan upang direktang mapaabot ang mensahe kay Bergante na hindi nito kayang iiwanan ang kanilang pakikibaka na kanilang tinataguyod ng matagal na panahon.

Ito ang dahilan na naabutan ng hindi pumabor na pagkakataon si Sularte hanggang tuluyang naipit sa labanan nang pinag-isang pagtugis ng 901st at 401st Infantry Batallions sa bukiring bahagi ng Barangay Pianing,Butuan City noong nakaraang linggo.

Magugunitang maliban kay Sularte,dating NPA National Operations Command official rin ang asawa nito na si Jorge Madlos alyas Ka Oris at anak nila na si Vincent Isagani Sularte Madlos na kapwa napatay sa magkahiwalay na engkuwentro sa Bukidnon noong Oktobre 2021 at Setyembre 2022.