-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi maaapektuhan ng eleksyon at maging ng campaign period ang paglulunsad ng Kaagapay Donation Portal na una nang inilunsad noong Pebrero 18.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Partnerships Building and Resource Mobilization Marie Rafael, na walang restriction mula sa Commission on Elections (Comelec) ang mismong programa na ito ng DSWD.

Aniya, kahit gaano kaliit na halaga ay maaaring magbigay ang mga nais na magpaabot ng donasyon sa pamamagital ng online portal na ito.

Paliwanag din ng opisyal, sa pamamagitan ng portal, maaaring direkta nang ibigay sa mga foundations at mga non-government organizations ang mga donasyon at maaari nang hindi idaan sa DSWD.

Samantala, layon naman ng kaagapay portal na mas gawing accessible ang pagbibigay ng mga cash donations sa mga foundations at maging sa mga programa ng ahensya na makakatulong sa mga mamamayang nangangailangan lalo na para sa mga disaster relief operations ng kanilang ahensya.

Matatandaan naman na isa ang Kaagapay Donation Portal sa mga proyektong inilunsad ng DSWD bilang bahagi ng selebrasyon ng kanilang anibersaryo nitong Pebrero.

Bahagi din ang portal ng hakbang ng DSWD na unti-unti nang gawing digital ang mga programa at proyekto ng kanilang ahensya para sa mas accessible na pagaabot ng tulong sa kanilang mga benepisyaryo.