-- Advertisements --

Hindi umano inimbitahan ang mga kaalyado ng Duterte sa caucus kung saan tinalakay ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Duterte Youth Party-list chairman Ronald Cardema nitong Huwebes, matapos malaman na sinabihan ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan na magtipun-tipon sa Romualdez Hall noong hapon ng Miyerkules, tinanong niya ang kinatawan ng kanilang partido na si Rep. Drixie Mae Cardema kung natanggap niya ang parehong advisory.

Subalit wala din aniyang notice kaugnay sa naturang pagpupulong maging sa Viber group ng 19th congress.

Ang Partido nga ni Cardema ay dating kahanay ng administrasyon hanggang sa nabuwag ang UniTeam nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara Duterte.

Ibinunyag din ni Cardema na pinangakuan umano ang mga mambabatas ng milyun-milyon o daan-daang milyong pondo bago lumagda sa impeachment complaint bagamat hindi ito nagbigay ng anumang basehan.

Ikinadismaya naman ni Cardema ang kawalan ng due process sa pag-impeach ng Kamara kay VP Sara na aniya ay minadali.