-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabilib ang isang kaalyado ni dating Vice President Leni Robredo sa paghahanap ng katotohanan ng House Quad Committee sa mga kaso ng extrajudicial killing sa Duterte drug war at ang kaugnayan nito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at kalakalan ng iligal na droga.

Sa kanyang manipestasyon sa pagdinig noong Huwebes, pinuri ni Assistant Minority Leader at Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. ang Quad Comm sa mga nagdaang buwan upang lumabas ang katotohanan.

Ang Quad Comm ay binubuo ng Committees on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Rep. Robert Ace Barbers,  Public Order and Safety na pinamumunuan ni Dan S. Fernandez, Human Rights ni Bienvenido Abante at Public Accounts na pinamumunuan ni Joseph Stephen Paduano.

Pinuri rin ni Bordado sina Senior Deputy Speaker Dong Gonzales, Deputy Speaker Jayjay Suarez, at Rep. Romeo Acop na kasama sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Iginiit din ni Bordado ang pangangailangan na mapanagot ang mga nasa likod ng mga pagpatay.

Nanawagan din ang kinatawan ng Camarines Sur na magkaisa at ipagpatuloy ang paghahanap sa katarungan para sa mga naapektuhang pamilya at komunidad.