CAUAYAN – Magsasampa ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang pamilya ng OFW na namatay sa Kuwait na si Constancia Dayag ng Dalenat, Angadanan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay provincial director Tim Rejano ng NBI-Isabela, sinabi niya na matapos mailibing ang bangkay ni Dayag sa Sabado ay magtutungo sa Lunes sa kanyang tanggapan ang kanyang anak na si Lovely Jane para pormal na magsampa ng kaso laban sa amo nito sa Kuwait upang malaman kung ano ang tunay na ikinamatay nito.
Makikipag-ugnayan naman ang NBI-Isabela sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para makuha ang mga naunang report hnggil sa pagkamatay ni Dayag .
Sinabi ni Rejano na may duda ang pamilya na si Dayag ang naiuwing bangkay dahil nasa state of decomposition na at tila iba ang mukha nito kaya kinuha ang kanyang fingerprints.
Naunang sinabi ni Lovely Jane Dayag na ipaglalaban niya ang hustisya para sa kanyang nanay dahil hindi siya naniniwala na natural death ang sanhi ng kanyang pagkamatay kundi naniniwala sila sa naunang report na namatay sa pambubugbog at pang-aabuso ang kanyang ina.