KORONADAL CITY – Nakatakdang bumisita bukas sa massacre site sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguidanao ang mga kaanak ng limamputwalong (58) Ampatuan massacre victims kasabay ng ika-labing-apat (14) na taong anibersaryo ng malagim na krimen.
Ito ang inihayag ni Ms. Emily Lopez, president ng Justice Now Movement o ang grupo ng mga kaanak ng mga biktima sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Lopez, gaya ng nakagawian ay bibisita sila sa lugar kung saan pinatay at inilibing ang kanilang mga mahal sa buhay upang alalahanin ang mga ito at magsagawa ng programa kasabay ng banal na misa.
Ngunit, aminado si Lopez na dismayado pa rin sila sa takbo ng kaso dahil “partial justice” pa lamang umano ang kanilang nakuha at parang hindi na umuusad.
Maging si Ian Jay Perante, anak ni Ronnie Perante na kasama sa 58 mga biktima ay hindi pa ramdam ang buong hustisya sa pagkawala ng kanilang ama.
Ayon sa kanya, taon-taong ginugunita ang masakit na pangyayari at 14 na taon na ngunit hindi pa rin nga sila nakatanggap ng compensation dahil patuloy ang apela ng mga Ampatuan at iba pang mga suspetsado.
Samantala, maging ang pamilya ni the late Bombo Bart Maravilla, dating chief of reporter’s ng Bombo Radyo Koronadal ay kasamang bibisita bukas sa massacre site.