-- Advertisements --
Screenshot 2021 03 13 12 24 31

BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa pagpatay sa kaanak ng convicted drug lord sa Bacolod at isa sa mga miyembro ng sinasabing gun-for-hire group na nakaengkwentro ng mga pulis halos isang dekada na ang nakararaan.

Ang biktima na kinilalang si Lino “Dodoy” Cuadra na tubong Barangay 2, Bacolod ngunit temporaryong nakatira sa Silay City, Negros Occidental ay pinagbabaril sa northbound terminal sa Barangay Bata, nitong lungsod.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, maraming putok ng baril ang kanilang narinig bago nakita ang bangkay ni Cuadra na nakadapa sa lupa at kaagad na tumakas ang mga suspek na sakay sa pulang Toyota Innova.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Richard Fajarito, station commander ng Bacolod Police Station 3, kabuuang 24 mga bala ang narekober ng Scene of the Crime Operatives sa crime scene.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon sa krimen.

Si Dodoy Cuadra ay kaanak ng convicted drug lord na si Boy Cuadra at isa rin sa mga sinasabing gun for hire suspects na nakaengkwentro ng mga pulis sa Goldenfields Commercial Complex noong December 3, 2012 kung saan isang pulis ang patay, isa ang sugatan habang nadamay din ang caretaker ng bar.

Patay sa shootout si PO3 Arnold Cañal habang sugatan naman si PO2 Federico Nicolas.

Kasama noon ni Cuadra si Romulo Arseña alyas Kid Ramir na nagpaputok matapos magbayad ng bill sa beerhouse.

Nagkataon na nasa lugar ang dalawang pulis kaya’t nagresponde ang mga ito.

Kanilang nadisarmahan si Kid Ramir ngunit nakaganti sina Cuadra.

Si Kid Ramir ay pinatay ng riding-in-tandem suspects sa Murcia-Hernaez Streets, Barangay Mansilingan, Bacolod noong March 2, 2016 habang sakay ito sa pick-up.