KORONADAL CITY – Maagang binisita ng mga kaanak ng Ampatuan massacre ang Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao kahapon, Nobyembre 20,2022 upang gunitain ang mapait na sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kasama sa mga sumama ang pamilya ni Bombo Bart Maravilla, dating chief of reporter’s ng Bombo Radyo Koronadal at isa sa 58 biktima ng malagim na krimen.
Sa salaysay ng kanyang anak na si Janchiene Maravilla, kahit 13 taon na ang nakalipas mula nang maganap ang massacre ay halos hindi pa rin nila ito makalimutan.
Sa ngayon, itinuturing pa rin nil ana “partial justice” ang natamo ng kanilang ama dahil sa may mga myembro pa rin ng political clan na Ampatuan na Malaya at nasa kapangyarihan.
Maliban dito, may ibang mga sangkot sa krimen na Malaya pa rin at hindi nakapagbayad ng kanilang ginawa.
Ayon kay Maravilla, hiling nila sa Marcos administration na sana ay huwag kalimutan ang nangyari sa 58 nagbuwi ng buhay dahil sa pagkagahaman sa pulitika ng makapangyarihang pamilya.
Kahapon sa pagbisita ng mga kaanak kasama ang National Union of the Journalist of the Philippines ay nag-alay sila ng panalangan, bulaklak at sinindihan ng kandila ang grave site kung saan nahukay ang bangkay ng mga biktima kabilang na ang tatlumpu’t dalawang kasapi ng media.
Sa darating na MIyerkules, Nobyembre 23, 2022 ay ang anibersaryo ng malagim na krimen.