LEGAZPI CITY – Kusang nagtungo sa himpilan ng Daraga Municipal Police Station ang isang convict na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance.
Nakulong sa loob ng 27 taon si Silvestre Trilles, 63, dahil sa kasong robbery with homicide.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa kapatid nitong si Melchor Trilles, sinabi nito na nagpasya umano silang sumuko sa mga otoridad dahil sa pangamba sa mga pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos bigyan ng 15 araw ang lahat ng napalayang convict sa ilalim ng GCTA.
Sa kabila nito, nanawagan si Melchor kay Pangulong Duterte na bigyan na ng kalayaan ang mga taong karapat-dapat makalabas ng kulungan kagaya ng kaniyang kapatid lalo pa at pinagbayaran nito ang kasalanang hindi naman nito ginawa.
Kwento ni Melchor, nagtatrabaho bilang isang barangay tanod noon si Silvestre sa bayan ng Oas ng may mangyaring insidente ng pagpatay at inutusan ng militar ang kanilang pinsan na isang CAFGU na kunin ang bangkay ng biktima kasama ang iba pang tanod.
Subalit nang magsagawa ng imbestigasyon si Silvestre at ang mga kasamahan nitong rumisponde sa insidente ang inaresto at napagbintangang nasa likod ng pagpatay.
Nabatid na may limang anak si Trilles subalit ng lumabas ng piitan noong Pebrero 27, 2019 ay may ibang kinakasama na ang asawa.