LEGAZPI CITY – Umaapela ng kaukulang tulong sa gastusin sa ospital ang pamilya ng nag-iisang survivor sa masaker sa Baleno, Masbate.
Ayon kay Jao Handig, tiyuhin ng sole survivor sa masaker, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hirap din ang pamilya kung saan huhugutin ang pambayad sa pagpapagamot ng 10-anyos na bata.
Maging sa pagpapalibing ng limang nasawi sa insidente ay pinoproblema rin lalo pa’t punuan na ang ilang malapit na sementeryo.
Nabatid na sinagot na rin ng lokal na pamahalaan ang ataul at gastos sa pag-embalsamo ng mga bangkay.
Sa hiling naman na makauwi ng ilang kamag-anak ng mga biktima na mula sa labas ng rehiyon, wala pang katiyakan kung mabibigyan ng human consideration ayon kay Masbate information officer Nonielon Bagalihog Jr.
Mahigpit kasi ang umiiral na “No vaccine, no entry” policy na muling binigyang-diin sa bagong Executive Order 28 ni Gov. Antonio Kho, epektibo kaninang madaling-araw ng Setyembre 1.
Pag-iingat umano sa COVID-19 ang tinitimbang subalit nasa kamay pa rin ng gobernador at local IATF ang pinal na desisyon.