LAOAG CITY – Labis na natutuwa si Benimar Ian Exevea Geron ng Brgy. 9 sa bayan ng Paoay, Ilocos Norte matapos makapasok sa finals ng 2021 US Open ang kanyang pamangkin na Filipino Canadian na si Leyla Fernandez.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Geron, sinabi nito na kahit malayo sa kanila ang kanyang pamangkin ay labis ang saya na nararamdaman ng kanilang pamilya sa naging tagumpay ni Leyla.
Aniya, noong bata pa si Leyla ay kinagigiliwan niyang maglaro base na rin sa kwento ng kanilang tiyuhin na siyang lolo ng tennis sensation.
Sinabi ni Geron na ipinagmamalaki ng kanilang pamilya si Leyla dahil maliban sa ibinandera nito ang kanyang galing sa tennis ay tila ibinibida nito sa buong mundo ang kanyang dugong-Ilokano.
Kaugnay nito, inaasahan ni Geron na masusungkit ng kanyang pamangkin ang kampeonato sa finals sa Linggo mula sa pambato ng Great Britain na si Emma Raducanu.
Una rito, ipinaalam ni Geron na sa kanilang pamilya ay iba’t iba ang kinagigiliwang gawin kung saan kabilang dito ang sports at arts.
Maalalang si Leyla ay ipinanganak sa Canada mula sa pamilya ng kanyang Filipino-Canadian na ina na siyang tubo dito sa Ilocos Norte at sa amang Ecuadorian.