Namataan ng mga otoridad ang anim na kaanak ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. na palabas ng bansa patungong Cambodia.
Ito ay matapos na naaresto ng kinauukulan si Teves sa naturang bansa habang naglalaro ng Golf batay sa red notice na inisyu ng INTERPOL laban sa dating mambabatas.
Nananatili pa rin sa kustodiya ng Timor Leste police habang pinoproseso ang pagbabalik nito sa Pilipinas para harapin ang patong-patong na kasong inihain sa kanya.
Nahaharap si Teves sa kasong Murder, Frustrated Murder, at Attempted Murder dahil sa umano’y pagiging utak nito sa pagpatay kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong March 4 ng nakalipas na taon.
Ang pagpatay kay Degamo ay naganap habang nasa labas ng bansa si Teves para sa isang medical concern at mula noon ay hindi na ito muling bumalik pa ng bansa.
Patuloy namang itinatanggi ng akusado ang pagkakasangkot nito sa pagpatay sa dating gobernador.
Bukod sa kaso ng pagpaslang kay Degamo, nahaharap rin si Teves sa mga kasong pagpatay sa tatlong indibidwal sa parehong lalawigan noong 2019.
Ideneklara na rin ng Anti-Terrorism Council si Teves bilang terorista kabilang ang 12 iba pa dahil sa umanoy mga pagpatay at harrasment na naganap sa Negros Oriental.
Bukod dito ay nakansela na ng Manila Court ang kanyang pasaporte habang pinatalsik ito bilang kongresista dahil sa mga disorderly conduct at patuloy na pag-absent nito sa kamara sa kabila ng pagkakapaso ng kanyang travel authority.