-- Advertisements --

Pinapahintulutan na ng Saudi Arabia ang kanilang mga kababaihan na bumiyahe patungo sa ibang bansa kahit na walang permiso mula sa kanilang male guardian.

Batay sa royal decree na inianunsyo nitong Biyernes, pinapayagan na ang mga babae na nasa edad 21-anyos pataas na kumuha ng passport kahit na walang authorization.

Ayon sa Ministry of Information, ang naturang reporma ay bahagi umano ng kanilang mga hakbang upang isulong ang karapatan ng mga kababaihan na kapantay ng sa mga kalalakihan.

Una nang pinaluwag ng Saudi ang iba pang mga social restrictions sa mga kababaihan, pero sinasabi ng ilang mga campaigners na marami pang kailangang gawin para sa women’s rights.

Noong nakaraang taon nang binawi ni Crown Prince Mohammed bin Salman ang driving ban sa mga kababaihan.

Gayunman, nagpatupad ito ng crackdown sa mga women’s rights activists kung saan sumalang ang ilan sa mga ito sa paglilitis sa nakalipas na mga buwan. (BBC)